Ponema at Morpema. Ayon sa isang salawikain, “ang sakit ng kalingkingan ramdam ng buong katawan.” Ganito rin ang kaso sa wika; malaki na ang pagkakaibang maidudulot ng pag-aayos ng isang titik o tunog. Halimbawa, ang atid ay nagkakaroon ng kahulugan kung daragdagan ng ponemang /h/ (hatid) o /b/ (batid). May makabuluhang tunog na nakapagpapabago sa kahulugan ng salita kung aalisin o papalitan (subalit may hindi saklaw ng kahulugang ito, tingnan sa p. 88), at ang tawag dito ay ponema.
Ponemang segmental ang tawag sa mga tunog na ginagamitan ng mga katumbas na letra upang mabasa at mabigkas. 16 sa mga ito ay katinig at lima ang patinig (p.91).
(TANONG: Ano ang ipinagkaiba ng Punto ng Artikulasyon sa Paraan ng Artikulasyon?)
Mahalagang punto: Kung mapapansin sa aklat (p. 92-95,) kinasasangkutan ng iba-ibang bahagi ng katawan ang pagbigkas sa mga katinig, samantalang ang mga patinig ay naaayon sa kung anong bahagi ng dila ang gumagana at kung anong posisyon ng nasabing bahagi sa pagbigkas.
Pares minimal ang pares ng mga salita na magkaiba ng kahulugan ngunit magkatulad na magkatulad sa bigkas maliban na lamang sa isang ponema sa magkatulad na posisyon (p. 95-96).
Ponemang malayang nagpapalitan ang tawag sa mga (duh) nagpapalitang ponema sa magkatulad na magkatulad na posisyon na hindi nakaaapekto sa kahulugang taglay ng salita. Nagaganap ang palitang ito sa /i/ at /e/, at /o/ at /u/ (p. 96). Malaking dahilan sa pagkakaroon nito ang barayti ng wika sa bansa (pansinin halimbawa, ang mga biro sa bigkas ng mga Bisaya).
Diptonggo ang tumutukoy sa mga patinig na sinusundan ng malapatinig na /y/ o /w/ sa loob ng isang pantig. SUBALIT may hindi saklaw sa depinisyong ito (p.99).
Klaster o kambal-katinig ang tawag sa magkasunod na tunog katinig sa loob ng isang pantig. (TALA o NOTE: may bagong alituntuning pangwika na inilabas na nagsasabing di-likas sa ating pagbigkas ang mga kambal katinig, kung kaya sa wastong pagbabaybay pinaghihiwalay ang mga ito ng patinig; halimbawa, pUwesto sa halip na pwesto lang, sUweldo sa halip na sweldo, at iba pa gaya ng kUwarta, kUwarto, pIyesta, at dIyaryo. SUBALIT hindi lahat ng klaster ay saklaw nito, gaya ng sa trak, Tsino, grado, atbp.)
Ponemang suprasegmental ang makahulugang yunit ng tunog na karaniwang hindi tinutumbasang titik o letra sa pagsulat (p. 100). Inihuhudyat na lamang ito ng mga tanda bilang paraan ng pagbigkas.
Morpema ang tawag sa pinakamaliit na yunit ng salita na nagtataglay ng kahulugan. Maaari itong ponema, salitang ugat o panlapi.
Para sa mga pagbabagong morpoponemiko (dulot ng pagsasama ng mga salita), tingnan ang paliwanag at halimbawa sa p.118-123.