Tuesday, July 29, 2008

Kasaysayan ng Wikang Pambansa

Ngayong bahagya nang naipaliwanag ni Wittgenstein ang katuturan ng pag-aaral ng wika, makauusad na tayo sa pagtalakay sa kasalukuyang lagay ng wikang pambansa, gayundin ang pagtatangkang isipin ang kinakaharap nito. Subalit hindi natin ito epektibong magagawa kung hindi muna tayo titingin sa nakalipas. Tandaang hindi mahalaga ang memoryahin niyo ang mga detalyeng narito. Unawain lang at pag-isipan, tungo sa mas mabuway na pagpapahalaga sa wikang pambansa. Ang mga talang narito ay hango sa inyong teksbuk, ang Komunikasyon sa Akademikong Filipino, gayundin sa sanaysay ni Virgilio Almario (tanyag na Pambansang Alagad ng Sining at isa sa mga nagsusulong sa pag-aaral pangwika at pampanitikan), ang "Mulang Tagalog hanggang Filipino."

1. Baybayin o alibata ang tawag sa sinaunang paraan ng pagsusulat ng ating mga ninuno. Mayroon itong 17 titik: tatlong patinig at 14 na katinig (TANONG: pansinin kung bakit buong salita ang gamit sa "tatlo," gayong numeral ang ginamit sa "17" at "14". Anong tiyak na batas sa paggamit ng wika ang sinusunod dito?) Ang mga karakter ay may katumbas na tunog, at may mga tandang idinaragdag kung may nais baguhin, gayundin upang tapusin ang pahayag. Tingnan ang halimbawa ng mga ito sa inyong teksbuk, p.64-67.

(TANONG: Paano naipasa sa kasalukuyang panahon ang mga impormasyong mula sa ating prekolonyal na kasaysayan? Ano ang komento niyo rito, ibig sabihin, ano ang implikasyon nito sa ating natanggap na kaalaman, gayundin sa uri ng estratehiyang ginamit sa pagpapabatid nito sa susunod na salinlahi?)

2. Mga Kastila ang unang nagsagawa ng kodipikasyon tungo sa pormalisasyon ng mga wika sa Filipinas, sa pamamagitan ng pagpasok ng alpabetong Romano. Dahil dito, ang paraan ng pagsulat at patunog sa Espanyol ang isinulong ng mga misyonero. Idinagdag nila ang titik E at U, dahil tatlong patinig lang (A, I, O) ang mayroon sa baybayin. Mainam malamang may mga tunog na hindi ganap na matapatan ng alpabetong Espanyol, gaya na lamang ng K, at W (na wala sa kanilang alpabeto). Dahil dito, hinahalinhinan na lamang nila ang tunog ng C para sa K (alaC, yapaC, busilaC), at ang diptonggong /IW ng IO o IU (aliO o aliU, para sa "aliw")

Itinaguyod nila ang mga katon, kung saan itinuro ang bagong paraan ng pagsulat at patunog na ito sa kabataan.

(TANONG: Ano ang posibleng naging epekto ng estratehiyang ito sa literasi ng ating mga ninuno?)

Pagpapalaganap ng Kristiyanismo ang layunin ng pananakop, kaya naman inaral ng mga misyonero ang wikang gamit ng mga katutubo para mas mapadali ang kanilang pagtuturo. Naglabas sila ng mga diksiyonaryo bilang gabay sa pag-aaral ng wika ng mga katutubo. AT di-hamak namang ang mga lahok dito (mga salita, mga halimbawang bugtong at salawikain na madalas sambitin ng ating mga ninuno) ay nasala na; ibig sabihin, pinili na lang nilang isama kung ano-ano ang mga makatutulong sa kanila sa pagtuturo ng Kristiyanismo sa ating mga ninuno.

Kaugnay nito, marapat ding malaman na may hangarin ang pamahalaang Kastila na magturo ng kanilang wika sa katutubo. Hindi lamang ito naisakatuparan dahil sa mga prayle, na siyang namamahala sa mga paaralang itinaguyod sa bansa. (TANONG: Bakit kaya sila tumutol?)

3. Mga Amerikano ang sumunod na naglunsad ng repormang pangwika. Dito naganap ang simplipikasyon ng katutubong abakada, gaya ng matatagpuan sa Balarila (1940) ni Lope K. Santos. Tanggap ang limang patinig subalit 15 katinig lang mayroon, ayon sa mga tunog sa Tagalog.

Kung noong panahon ng Kastila naipagkait sa katutubo ang pag-aaral ng banyagang wika, ipinalaganap naman ng mga Amerikano ang Ingles, simula sa pagdating sa bansa ng mga Thomasite, o mga gurong Amerikano na magbabahagi ng kaalaman sa mga Filipino.

Sa panahong ito rin tahasang itinadhana ang pagkakaroon ng isang wikang pambansa. Batay sa pag-aaral at rekomendasyon ng Surian ng Wikang Pambansa (itinaguyod noong Nobyembre 13, 1936), Tagalog ang napiling batayan ng wikang pambansa.

(PAGLILINAW: ang hakbang na ito ang maituturing na sanhi kung bakit marami ang tumu(tu)tol sa pagkakaroon ng pambansang wika. Basahin ang sanaysay ni Michael Coroza para sa paliwanag).

1959 nang umpisahang tawaging Pilipino ang wikang pambansa.

4. Dekada sesenta (60's) nang umigting ang pagtutol ng marami sa pagtatalaga sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Maraming politiko ang kumuwestiyon sa hakbang na ito (basahing muli ang sanaysay ni Coroza), at binatikos ang umano'y pag-iral ng puristang Tagalog. Sadya namang konserbatibo ang gawain ng mga tagapagsulong ng wika sa panahong ito, sapagkat sa pagpapalawig ng wika, mas ginusto nilang humiram sa Kastila ng mga banyagang kataga sa tuwing umiiral ang mga ito, bago gumamit ng mga salitang Ingles. Panahon din ito ng eksperimentasyon, kung kailang may mga inilunsad na programang pangwika na naglalayong makatuklas o makaimbento ng mga katawagan sa katutubong dila ng mga konseptong pang-agham, nang hindi humihiram sa Ingles o Espanyol.

5. Dekada setenta (70's) nang ipatupad ang bilingguwalismo sa edukasyon. Batay sa ulat ng Presidential Commission to Survey Philippine Education noong Disyembre 1970, itinagubilin ang paggamit ng dalawahang wika sa edukasyon- bernakular sa Grade 1 at 2, Pilipino sa Grade 3 at 4, Pilipino at Ingles sa sekundarya at edukasyong tersiyarya.

Sa panahong ito rin naging Filipino ang Pilipino, bungsod ng paratang ng ilan na ang Pilipino ay "purong Tagalog lang." Nakasaad man sa Konstitusyong 1973 ang tadhanang gumawa ng hakbang tungo sa pagkakaroon at pormal na pagkilala sa isang panlahat na wikang pambansa na tatawaging Filipino, itinadhana pa rin nito ang patuloy na pag-iral ng Pilipino, kasama ng Ingles, bilang wikang opisyal. Ang pagbabago rin ng pangalan mula Pilipino hanggang Filipino ay hindi nangahulugang nasunod ang gusto ng mga tutol sa Pilipino, na ang Filipino ay magsilbing amalgamasyon o pantay-pantay na representasyon ng mga wika sa bansa.
(TANONG: Mahirap kayang maisakatuparan ang mungkahing ito? Kung ikaw ang masusunod, ito ba ang gagawin mong Filipino, ang pagsasama-sama at pantay-pantay na representasyon ng lahat ng wika sa Filipinas? Bakit o bakit hindi?)

Sa panahong ito rin naaprobahan ang bagong alpabeto na may 31 titik.

6. Noong dekada otsenta (80's) itinampok sa Konstitusyong 1987 ang tungkuling paglinang sa Filipino sa pamamagitan ng katutubong wika sa Filipinas.

Muling idinaan sa pagsusuri ang alpabetong Filipino at pinagtibay ang kasalukuyang alpabeto na may 28 titik. Nadagdag ang mga titik C, F, J, N (enye), Q, V, X at Z.
(TANONG: Sa modernisasyong ito ng wikang Filipino, idinagdag kaya ang mga bagong titik para sa akomodasyon lang ng mga banyagang salita na hihiramin natin? Magsaliksik at pangatwiranan ang sagot)

7. Dekada nobenta (90's) nang ipalabas ng Commission on Higher Education (CHEd) ang kautusang nagtatakda ng siyam na yunit na pangangailangan sa Filipino sa pangkalahatang edukasyon (1996).

Noong panahon ng panunungkulan ni Pang. Fidel V. Ramos itinalaga ang Agosto bilang Buwan ng Wikang Filipino, mula sa nakagawiang pagdiriwang ng Linggo ng Wika (1997).

8. Taong 2001 nang ilabas ng Komisyon ng Wikang Filipino ang Revisyon ng Ortograpiyang Filipino at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino. Layunin ng proyekto ang pagtatakda ng mga alituntunin sa pagbabaybay, lalo na ng mga salitang hiram.



No comments: